MGA KAALAMAN TUNGKOL SA CHEMOTHERAPY
ANO ANG CHEMOTHERAPY AT PARA SAAN ITO?
Ang chemotherapy ay isang paraan ng paggagamot na gumagamit ng matatapang na kemikal para bigyang lunas ang mga sakit gaya ng kanser. Layunin nitong puksain ang mga cancer cells na mabilis na kumakalat sa katawan. Ang gamot na ito ay maaaring iniinom, tinuturok o pinapahid, depende sa kung anong bahagi ng katawan ang apektado ng sakit na gustong gamutin.
KANINO GINAGAWA ANG CHEMOTHERAPY?
Ang mga taong na-diagnose ng sakit na kanser ay maaaring isailalim sa chemotherapy. Sa pamamagitan ng paggagamot na ito, maaaring mapigilan ang pagdami ng mga cancer cells sa katawan o pabagalin ang proseso ng pagkalat nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Makatutulong din ang chemo na maibsan ang mga sintomas na dulot ng kanser.
GAANO KADALAS ISINASAGAWA ANG CHEMOTHERAPY?
Ang gamutan sa pamamagitan ng chemotherapy ay paiba-iba depende sa mga kaso ng sakit ng pasyente. Maaaring gawin ito ng isang beses kada buwan, o kaya naman ay gawin ito ng salitan—1 linggo na chemotherapy, susundan ng 4 na linggo ng pahinga, at saka uulitin. Kadalasan, ang paggagamot ng chemo ay sinasabayan din ng radiotherapy at operasyon o surgery. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa kung gaano kalala o gaano kataas ang antas ng kanser.
PAANO PAGHANDAAN ANG CHEMOTHERAPY?
Bago simulan ang chemotherapy, dapat ay maintindihan muna ng pasyente na ang paggagamot gamit ang chemo ay mayroong mga matitinding side effects na maaaring makapagpahina sa katawan. Kunga kaya, pinakamainam na mapaghandaan ang mga posibleng side effects na ito. Halimbawa, sa panghihina ng katawan dahil sa paggagamot, dapat ay may taong aalalay sa mga panahong ito. Maaari ding bumili ng piluka o wig sapagkat may posibilidad na malagas ang mga buhok dahil sa gamot. Mataas din ang posibilidad ng impeksyon sa panahong ito sapagkat humihina rin ang resistensya dahil sa gamot, kung kaya makatutulong na umiwas muna sa lahat ng maaaring pagmulan ng impeksyon gaya ng pagkakaroon ng sugat o pagpapabunot ng ngipin. Hanggat maaari, dapat ay kumportable lamang ang pasyenteng sumasailalim sa gamutan.
ANO ANG MAAARING SIDE EFFECTS NG CHEMOTHERAPY?
Bagaman nakatutulong ang chemotherapy na puksain ang mga cancer cells, maaari din nitong atakihin ang malulusog na cells sa katawan. Ito ang dahilan kung bakit may mga side effects ang paggamot ng chemo. Maaaring iba-iba ang maranasang epekto ng bawat pasyente, ngunit ang mga pinakakaraniwang side effects ay ang sumusunod:
Pagkapagod
Pagsusuka at pagliliyo
Pagkalagas ng buhok
Mataas na posibilidad ng impeksyon
Anemia
Pagkakaroon ng mga pasa
Kawalan ng gana sa pagkain
Panunuyo ng balat at pagbitak-bitak ng kuko
Kawalan ng konsentrasyon
Insomnia
Kawalan ng gana sa pakikipagtalik
Pagtatae o pagtitibi
Depresyon
ANO ANG DAPAT GAWIN PAGKATAPOS NG CHEMOTHERAPY?
Pagkatapos ng chemotherapy, makatutulong ang pagbawi ng lakas na nawala dahil sa gamutan. Dapat ay magpahinga ng sapat, kumain ng masusustansyang pagkain upang mapanatili ang timbang, umiwas sa mga posibleng pagmulan ng impeksyon, at panatilihing malinis ang sarili. Makatutulong din ang regular na follow-up check-up sa doktor at pagbabantay sa mga posibleng side effects ng gamot.
MAGKANO ANG PAGPAPA-CHEMOTHERAPY?
Ang halaga ng pagpapa-chemo ay depende sa uri ng gamot na iinumin. Ang presyo nito ay naglalaro sa P40,000 at minsan pa’y umaabot sa daanlibong piso kada session ng gamutan. Samantalahin ang oportunidad ng diskwento mula sa Philhealth, sapagkat ang pagpapagamot nito ay sakop ng ahensya